Yari Sa Katad Ng Buwaya: Ang Tunay Na Gastos Ng Iyong Sosyaling $400,000 Hermès Bag
- camaymayangm0483
- Aug 14, 2022
- 5 min read
Updated: Oct 28, 2024
Sinulat ni Gabrielle Marie
Written Work: Tekstong Impormatibo
Pagbasa at Pagsusuri ng Iba't Ibang Teksto Tungo sa Pananaliksik
“Ang mga hayop ay mayroong pusong nakadarama, matang nakakakita, at pamilyang dapat alagaan, tulad nating dalawa,” ani ni Anthony Douglas Williams, isang aktibista para sa karapatang panghayop. Karapatan din nila na mabuhay ng maayos, hindi alinatana kung sila ay mabangis o maamo sa mga tao. Sa katunayan, sa lawak ng mundong ating ginagalawan, ito ay sapat para sa mga tao at hayop. Sadyang sakim lamang ang sangkatauhan—sobrang sakim na halos lahat na lang ng nilalang na nabubuhay ay napagkakakitaan natin.
Mahaba ang ating kasaysayan sa paggamit ng mga hayop. Noong sinaunang panahon, sila ang ating transportasyon at katulong sa bukid. Sila ay hinuhuli tuwing tayo ay nangangaso at saka natin kinakain. Noong ika-18 siglo rin, malaki ang naiambag ng isang hayop sa pagpuksa ng bulutong at paggawa ng mga bakuna. Ngayon, sila ay ating mga alaga at bantay sa bahay. Nabibida rin sila sa i-sports, pananaliksik sa agham at medisina, at mga zoo. Ngunit ang isa sa pinakanakaliligtaang gamit ng mga ito, ay sa fashion, partikular na sa katad.
Ayon sa Fédération Française de la Tannerie Mégisserie o Pederasyon ng Pranses na Tanners, ang katad ay tanned na balat ng hayop, kadalasang mga baka, kambing, kalabaw, ahas, at iba pa. Ito ay ginagamit sa produksyon ng mga dyaket, bag, sapatos, pantalon, sinturon, at guwantes—ilan sa mga tinatawag na leather clothing.
Noong 2016, mayroong bag na tatak Hermès, isa sa mga tanyag na luxury brands sa buong mundo, na binili sa subasta sa halagang $379,261. Ito ay ang puting Hermès Himalayan Birkin bag na ginawa mula sa balat ng buwayang Niloticus at mayroong 240 na mga brilyante at 18-karat na gintong hardware. Hanggang ngayon, mahirap makahanap ng ganitong bag at kailangan mong makipagunahan para makabili nito.
Hermès Gris Cendre Diamond Himalaya Crocodile Birkin and ‘Regular’ Himalaya Crocodile Birkin
Ang katad mula sa buwaya o crocodile skin ay isang klase ng exotic leather. Bumubuo ito ng hindi hihigit sa 1% ng katad na ginagamit sa buong mundo dahil limitado ang bilang ng mga buwaya at kakaunti ang mga pasilidad na nagpoproseso nito. Sapagka’t ito ay mamahalin at kakaiba, madalas naman itong makikita sa mga produkto ng high-fashion brands tulad ng Hermes, Moet Hennessy Louis Vuitton (LVMH) at Gucci. Ang presyo ng mga crocodile skin bags ay nasa $50,000 pataas at kahit sila ay sobrang mahal, pinipilahan pa rin ito ng milyon-milyong tao.
Ilan sa mga rason kung bakit marami ang nagnanais na makakuha ng ganitong bag ay dahil sa kanilang paghanga sa craftmanship nito. Maaari ring gusto nila ito ikolekta at gawing pinamumuhunan, ibig nilang magkaroon din ng tinaguriang status symbol, o hangarin nilang gumaya sa fashion ng kanilang paboritong artista. Ilan sa mga ito ay sina Jamie Chua, Victoria Beckham, Jeniffer Lopez, Cardi B at ang angkan ng mga Kardashian-Jenner. Ngunit, sa likod ng ningning at karangyaan ng mga bag na ito ay isang marahas na industriya ng kalupitan sa hayop na hindi marami ang nakakaalam.
Ang mga buwaya ay aquatic, at dahil sa kanilang laki, makapangyarihang panga, at pagiging agresibo, ay nananatiling silang isa sa mga pinakakinatatakutang hayop sa buong mundo. Mayroon nang stigma sa mga buwaya kaya hindi ganoon karami ang nakakaunawa na sila ay mga matatalino at kahali-halinang hayop.
Ang mga buwaya ay ang unang reptilya na nakitang gumamit ng tools upang mahuli ang kanilang prey. Sila rin ay mga dedikado at mapagmalasakit na magulang. Binabantayan nila ang kanilang mga itlog sa loob ng ilang buwan at inaalagaan ang kanilang mga supling hanggang tatlong taon. Sila ay nakakamanghang mga hayop, ngunit bilang na lamang ang mga buwayang malayang namumuhay na ligtas sa paninira natin ng kanilang tirahan at paghuhuli sa kanila.
DK Find Out
Ang mga buwayang ginagamit para sa katad ay kadalasang nanggagaling sa mga crocodile farm. Dito pinaparami at pinapalaki ang libo-libong buwaya para sa kanilang karne, balat, at iba pang produkto. Hindi maganda ang kalagayan ng pamumuhay ng mga buwaya doon. Kadalasan silang pinagsisiksik sa loob ng maliliit na lugar, minsan mas maliit pa sa katawan nila, o daan-daang buwaya ang pinagkakasya sa isang medyo mas maluwag na pook. Bukod dito, ang mga buwaya sa kagubatan ay kayang mabuhay ng mas matagal pa sa mga tao, halos isang daang taon, ngunit ang mga buwaya sa crocodile farms ay pinapatay sa sandaling umabot sila ng tatlong taong gulang.
Ang paraan ng pagpatay sa kanila ay hindi rin mahabagin. Ayon sa imbestigasyon ng PETA o People for the Ethical Treatment of Animals, ang mga buwaya sa crocodile farms ay sinusugatan sa leeg at saka pilit na ipapasok ang isang scalpel sa kanilang gulugod upang makoryente sila. Walang tigil ang pagtulo ng dugo at marami sa mga buwayang ito ay buhay pa habang tinatanggal ang kanilang balat. Nararamdaman pa rin nila lahat ng ginagawa sa kanilang katawan at walang paki-alam ang mga taong nagtatrabaho dito. Tuloy-tuloy lang nilang sinasaksak at pinapatay ang mga walang kamaly-malay na buwaya. Hindi man lang nila naranasang lumangoy sa totoong lawa at mabuhay sa kanilang tamang tirahan.
PETA Australia
Kakailanganin mong pumatay ng tatlo o apat na buwaya upang makagawa ng isang bag tulad ng mga binibenta sa high-end brands. Ngunit, hindi naman kailangan na maging mukha ng luxury ang animal cruelty. Marami nang mas ethically-sourced at vegan na katad tulad ng katad yari sa cactus, pinya, at mais. Ito ay mas mainam na gamitin kaysa sa katad yari sa mga hayop dahil hindi naman natin pagmamay-ari ang mga buhay nila. Mayroon silang karapatang mabuhay para sa kanilang sarili at hindi lamang para sa atin.
“Ang karapatang panghayop ay hindi natin rineregalo sa mga hayop. Ito karapat-dapat na mayroon sila pero ito’y ninakaw natin.” –Ryan Phillips
Mga Sanggunian
Britannica. (n.d.). Animal Transportation.
Fédération Française de la Tannerie Mégisserie. (n.d.). What is leather?
Ginsberg, L. (2017). You know you’re rich when you buy this — a $379,261 handbag is the most
expensive ever sold at auction. Money. CNBC. https://www.cnbc.com/2017/06/01/this-379261-hermes-birkin-handbag-is-the-most-expensive-ever-sold.html
Grand View Research. (2021). Leather Goods Market Size, Share & Trends Analysis Report
By Product, Type, Region, And Segment Forecasts, 2021 - 2028. GVR-3-68038-061-3. https://www.grandviewresearch.com/industry-analysis/leather-goods-market
Olson, E. (2013). How a Young Boy, a Cow, and a Milkmaid Helped to Conquer Smallpox.
Observations. Scientific American. https://blogs.scientificamerican.com/observations/how-a-young-boy-a-cow-and-a-milkmaid-helped-to-conquer-smallpox-video/
Painter, S. (2021). Crocodile Purses: What You Need to Know. Love to Know.
PETA Australia. (2016). Crocodiles Cut Open, Skinned in Vietnam for Leather Bags [video].
PETA. (n.d.). Exotic Skins: The Animals. Alligators and Crocodiles.
PETA (People for the Ethical Treatment of Animals). (2019). How Animals Killed for Clothing
Are Like You, Only Different [video]. Youtube. https://www.youtube.com/watch?v=2ZPgkb7K3_Y&list=TLPQMTkwMjIwMjLQKS9LUyKTtA&index=12&ab_channel=PETA%28PeoplefortheEthicalTreatmentofAnimals%29
PETA (People for the Ethical Treatment of Animals). (2015). Reptiles Killed for Their Skin
[video]. Youtube. https://www.youtube.com/watch?v=0xLIlituBCs&list=PLQY1F3LEfPXR9d8jNV6FKSevmmSm7CvD_&index=26&ab_channel=PETA%28PeoplefortheEthicalTreatmentofAnimals%29
PETA (People for the Ethical Treatment of Animals). (2016). Vietnam’s Crocodile Skin
Industry [video]. Youtube. https://www.youtube.com/watch?v=nJMhZzXA2Ps&list=PLQY1F3LEfPXR9d8jNV6FKSevmmSm7CvD_&index=20&ab_channel=PETA%28PeoplefortheEthicalTreatmentofAnimals%29
Silvia, E. (2020). 6 Stars Who Love Birkin Bags: KimKardashian, Jennifer Lopez, Cardi B &
More. Splash News. Hollywood Life. https://hollywoodlife.com/feature/celebrities-birkin-bags-pics-photos-4243788/
World Animal Foundation. (2022). Crocodiles.
Yorkshire Fabric Shop. (n.d.). What Are The Five Different Types Of Textiles?
留言