top of page
when you love someoneday6
00:00 / 03:46
Search

Tagumay sa Online Learning Modality: Kakayanin

  • camaymayangm0483
  • Aug 14, 2022
  • 3 min read

Updated: Oct 28, 2024

Sinulat ni Gabrielle Marie

Performace Task: Ekstemporaryong Talumpati

Komunikasyon at Pananaliksik sa Wika at Kulturang Pilipino


EHL Insights


625 araw; ganoon na karaming araw ang lumipas mula noong inanunsyo ng pamahalaan ang pagsuspinde ng face to face classes sa Kalakhang Maynila. Sa katunayan, noong mga panahong iyon, hindi ko pa lubos na maunawaan ang bigat ng hinaharap ng ating bansa. Hanggang sa lumipas na ang ilang araw, na naging ilang linggo, na naging ilang buwan, at ngayon, halos isa’t kalahating taon na at nasa kalagitnaan pa rin tayo ng pandemyang dulot ng COVID-19.


Walang duda na malubha ang naging epekto nito sa edukasyon dahil marami ang nangailangang matuto gamit ng online learning modality (Toquero, 2020). Ang mga simpleng bagay na parte ng buhay-estudyante noon ay maaari na lamang gawin ngayon nang birtwal. At matapos ang mahigit isang taon na pag-aaral nang online, tunay na hindi ito madali. Ngunit, aking natutunan na upang maging matagumpay sa modalidad na ito, dapat na kilala mo ang iyong sarili, marunong ka mamahala ng oras, at yumayakap ka ng pagsubok.


Una, kilalanin mo ang iyong sarili; kasama na dito ang iyong mga lakas at kahinaan bilang isang mag-aaral. Tulad ng sinabi ni Charles F. Glassman, “Bago ako maging eksperto sa anumang bagay, kailangan ko munang maging eksperto sa aking sarili.” Halimbawa, isa sa aking mga lakas ay ang aking kasanayan sa pagiging lider. Ang aking layunin ay lalong palakasin ito sa pamamagitan ng pagsali sa mga programang liderato. Isa naman sa aking mga kahinaan ay madali akong malito pagdating sa asignaturang sipnayan kaya't layunin kong gumaling dito sa pamamagitan ng pag-eensayo sa pagsagot ng mga tanong ukol sa matematika.


Ikalawa, dapat marunong kang mamahala ng oras. Noong mayroon pang face to face classes, hindi ako gaanong nahihihirapan dito dahil ginagawa ko lahat ng aking mga gawain sa paaralan, para pagdating sa bahay, puwede na ako magpahinga. Ngunit, dahil nasa bahay na ako palagi, nahihirapan akong disiplinahin ang aking sarili dahil hawak ko lahat ng aking oras. Paminsan-minsan, kailangan din naman natin magpahinga at gumawa ng mga bagay na ating ikinasasaya sapagka’t nakatutulong ito na umiwas sa burnout (Verma, 2017). Kaya’t tuwing gumagawa ako ng listahan ng mga makatotohanang kaya kong matapos sa isang araw, sinisigurado kong mayroon akong oras para magpahinga doon.


Huli, dapat na yumayakap tayo ng pagsubok dahil kahit gaano man tayo kahanda, hindi maiiwasan ang mga ito. Para sa akin, ang aking pinakamalaking pagsubok ngayong pandemya ay ang pananatili ng aking pagmamahal para sa edukasyon. Mahirap na umupo lamang sa harap ng kompyuter buong araw. Kailanmang hindi nito mapapantayan ang saya ng pagpasok sa paaralan. Ngunit, hindi ako maaaring sumuko dahil lamang sa mga pagsubok na ito. Ang aking kinabukasan ay nakasalalay dito. Nais kong maging isang epektibong miyembro ng lipunan at maglingkod sa sambayanang Pilipino. Ito ang aking motibasyon upang magpatuloy. Ikaw? Para saan ka ba nag-aaral? Ano ang iyong inspirasyon? Alalahanin mo ito dahil kailangan mo itong gawing lakas upang magpursige (Beaudoin, Kurtz, & Eden, 2009).


Bilang karagdagan, upang maging matagumpay sa online learning modality, kailangan mo lamang tandaan ang akronim na KAYA: (K) kilalanin ang sarili, (A) angkop mamahala ng oras, (Y) yumakap ng pagsubok, at (A) alalahanin ang iyong motibasyon. Aaminin kong bago ko natutunan ang mga ito, ilang beses muna akong nangiyak sa sobrang hirap ng paggamit ng hindi pamilyar na modalidad. Ngunit, sa dulo ay kinaya ko naman ito kaya naniniwala akong ito’y kakayanin niyo rin dahil 625 araw na ang lumipas at mukhang kinayakaya naman natin.



Mga Sanggunian


Beaudoin, M., Kurtz, G., & Eden, S. (2009). Experiences and opinions of e-learners:

What works, what are challenges, and what competencies ensure successful

online learning. Interdisciplinary Journal of E-Learning and Learning Objects,


Philstar News. (2020). Duterte suspends classes in NCR as COVID 19 cases increase

to 24 [video]. Youtube.


Toquero, C. M. (2020). Challenges and Opportunities for Higher Education amid the

COVID-19 Pandemic: The Philippine Context. Pedagogical Research, 5(4),


Verma, G. (2017). Leisure and well-being among adolescents: A qualitative study.

Indian Journal of Health and Wellbeing, 8(8), 936-943.


 
 
 

Comentarios


bottom of page